Ang Masokista…

Dear, Salamin

Mabilis. Pabilis nang pabilis. Hindi humihinto. Hindi natitinag. Hindi papaawat. Walang makakapigil. At dahil sa mabilis, dahil sa hindi huminto, walang nakaawat, ni nakapigil. Dahil do’n, nasasaktan ka. Patawad, pero tanga ka eh!

Aminin mo man o hindi, nasasaktan ka. Nasasaktan ka, dahil umasa ka. Umasa ka sa isang pagtingin na hindi na muling lumingon pa sa’yo. Hindi ka hinahanap o hindi ka naman talaga hinanap. Minahal mo agad? Gago ka eh. Ang bilis mong mahulog, ang bilis mong magpadala. Oh ano ngayon ang napala mo? Sugatan na naman ‘yang puso mo!

Ilang beses mo na bang sinubukan? Ilang beses ka na bang nabigo? Gusto mo bang ulit ulitin? Gusto mo bang masaktan nang masaktan? Masokista ka? Hindi maganda. Pero sige, aaminin ko…nasasarapan akong masaktan. Minsan tama sila, masarap talagang masaktan eh. May thrill.  Iba yung pakiramdam eh, mabigat. Tapos…tapos gumagaan kapag naiiyak mo na. Ang ginhawa di ba?

Tama ba? Tama bang nararamdaman mo rin ang naramdaman at nararamdaman ko ngayon? Tama ba na hindi mo masukat ang lalim ng sugat at ang tindi ng sakit? Tama bang ako, ikaw? Ikaw ay ako? Tama bang ipagpatuloy mo at gawing tanga ang sarili mo, kahit alam mong wala kang aasahan ni karampot na pagtingin mula sa kanya? Na iba ang tinitibok ng puso niya, at malayong malayo sa pagkatao mo. Ibang iba sa ugali’t paniniwala mo. Iba ang porma, mas astig sa’yo. Ibang magsalita, mas propesyunal sa’yo. Ibang gumalaw, mas maayos kaysa sa’yo.  Sa kabuuan, kabaligtaran ka niya. At sa paliwanag ng isip, mas mababa ka. Talo ka.

Bakit ka kasi nakipaglaro? Bakit ka pumayag na maging taya? Ikaw ang naghahanap, ikaw ang naghahabol. Ikaw ang tinataguan, ikaw ang pinaglalaruan. Ikaw ang laro, ikaw ang talo. Kahit kasi hanapin mo, hindi mo makikita. Hindi mo makikita, dahil umalis na siya, sumakay ng dyip o kaya nag-LRT, habang ikaw patuloy kang naghahanap sa kanya. Patuloy kang umaasa, na kapag nainip siya sa kakatago o kaya’y napagod sa kakatakbo, baka sakaling magpakita o magpahuli siya sa’yo. Pero gaya nga ng sinabi ko, patawad muli, ang tanga tanga mo. Umaasa ka na naman eh. At sa sitwasyon ngayon, mas malala. Umaasa ka kasi kahit nahihirapan ka na, kahit nasasaktan at nanghihina ka na. Masokista ka talaga.

Kaya kung ako sa’yo, itigil mo na ang kahibangan ng puso. Itigil mo na ang walang kwentang dikta ng iyong suwail na puso. Matuto ka na. Mapagod ka na! Please naman oh, kahit ngayon lang. Kahit sa kanya lang. Tama na!

  1. sadbeautifulbittersweethoughts reblogged this from dakilangusalero
  2. dakilangusalero posted this